Filtrar por género

Think About It by Ted Failon

Think About It by Ted Failon

105.9 True FM

Sawa ka na ba sa mga mema at hirit na pa-cute lang? Kung ganoon, dito ka na sa mainit at makabuluhang pagtalakay ng mahahalagang isyu sa bansa kasama ang lodi nating si Ted Failon! Pakikinggan at hihimayin niyang mabuti ang pananaw ng magkabilang panig para mas malinawan ang taumbayan. Kaya guys, kinig na! Manong Ted is in the house!

177 - 'Impeachment?' (Aired November 5, 2024)
0:00 / 0:00
1x
  • 177 - 'Impeachment?' (Aired November 5, 2024)

    #TedFailonandDJChacha sa 105.9 True FM at True TV Channel 19!


    Umuugong ang usap-usapan tungkol sa posibleng paghahain ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte dahil sa hindi maipaliwanag na paggasta ng confidential funds ng tanggapan ng bise presidente at ng DepEd sa panahon ng panunungkulan niya bilang kalihim ng ahensya. 


    Ang impeachment ay isang paraan ng pagpapanagot sa mga matataas na opisyal ng bayan. Isa itong constitutional duty ng dalawang kapulungan ng Kongreso. 


    Sa kasaysayan ng Pilipinas, iisa pa lamang ang impeachment process na natapos at nauwi sa conviction at pagkakatanggal sa pwesto ng isang dating Chief Justice ng bansa. 


    Kung susuriin ang reyalidad na kasalukuyang nangyayari sa ating bayan at politika na umiiral sa dalawang kapulungan ng Kongreso, maging ang namamayaning klima ng ating halalan sa ngayon, maaari nga bang maalis sa pwesto si VP Sara sa pamamagitan ng impeachment process? 


    Taglay nga ba ng mga miyembro ng dalawang kapulungan ng ating Kongreso ang diwa at prinsipyo ng Konstitusyon para mapanagot ang mga matataas na opisyal ng pamahalaan na nagkasala sa ating bayan? Think about it.

    Tue, 05 Nov 2024 - 20min
  • 176 - ‘Kasakiman = Kalamidad’ (Aired October 29, 2024)

    Kahirapan at mataas na antas ng korapsyon–ito ang ilan sa mga dahilan kung bakit nanguna ang Pilipinas sa pinakabagong World Risk Index o listahan ng mga bansang mas matindi ang nararanasang epekto sa pagtama ng mga sakuna. Naaabuso ang salitang "resilient" na katangian ng mga Pilipino sa panahon ng kalamidad kaya kapag natapos na ang bagyo at nakapamudmod na ng relief goods ang pamahalaan at ang mga politiko, tuloy lang ulit ang buhay ng mga biktima. Magkaroon man ng imbestigasyon sa sanhi ng kalamidad at pagbaha, wala namang napapanagot na mga tao na nagkulang sa pagpapatupad ng flood control projects ng gobyerno. Higit sa mga natural na sakuna na hinaharap ng Pilipinas taun-taon ay ang hindi matapos-tapos na kalamidad na dulot ng kasakiman ng mga tao sa bilyon-bilyong pisong pera ng bayan na nakalaan sa mga proyektong kailangan para mabawasan ang pagbabaha. At ang masakit na trahedya ay ang pananahimik at mistulang pagpayag na lamang ng mga Pilipino na mangyari ang kasakimang ito sa ating bayan. Think about it.

    Tue, 29 Oct 2024 - 18min
  • 175 - “Uto-utong bayan?’ (Aired October 22, 2024)

    Lumalabas sa pinakahuling pagtatanong ng Social Weather Stations (SWS) na higit 16 milyong pamilyang Pilipino ang nagsasabing sila ay mahirap. Ngayong taon lamang, ang Kongreso ay naglaan ng higit 160 bilyong piso para sa pagtulong sa mga mahihirap na Pilipino sa pamamagitan ng mga programang 4Ps, AKAP at AICS, na kung susuriin ay halos pare-pareho naman ang mga benepisyong ibinibigay—mga programang inuulan ng litrato, tarpaulin at presensya ng ilang mga pulitiko tuwing may bigayan. Iba pa ang 4Ps, AKAP at AICS sa mga subsidiya mula sa iba pang mga departamento ng pamahalaan kagaya ng TUPAD ng DOLE, na kahirapan ng mga Pilipino pa rin ang gustong solusyunan. 


    Habang patuloy na lumalaki ang inilalaang pera ng bayan para sugpuin ang kahirapan, bakit patuloy namang dumarami ang mga Pilipinong nagsasabing sila ay naghihirap? Kaya tuloy ang ilang pulitiko tila sa kahirapan din namumuhunan para utuin ang taong-bayan. Think about it.

    Wed, 23 Oct 2024 - 22min
  • 174 - ‘Kabuktutan sa party-list’ (Aired October 8, 2024)

    Ang diwa ng party-list system sa Saligang Batas ay para magkaroon ng representante sa Kongreso ang mga miyembro ng lipunan na tinaguriang marginalized, o mga sektor na hindi binibigyang halaga, at underrepresented, o mga sektor na kulang ang representasyon. Ngunit sa nagdaang party-list elections, lalong lumilinaw ang katotohanan na nasasalaula na ang busilak na adhikain ng party-list system. Sa pag-aaral na ginawa ng election watchdog na Kontra Daya noong 2022 elections, may mga party-list group na may koneksyon sa political dynasties, malalaking negosyo, at maging sa gobyerno at militar, at ang iba’y hindi klaro ang adbokasiya. Nangyayari ito nang dahil na rin sa desisyon ng Korte Suprema na ang tumatakbong party o organisasyon ay hindi na kinakailangang nakahanay sa anumang sektor at hindi na kailangang kumatawan sa mga marginalized at underrepresented.


    Sapat na ang pagkakaroon ng adbokasiya para sa ipinaglalabang sektor. Papayagan na lang ba natin na magtuloy-tuloy at lalo pang tumindi ang kabuktutan sa party-list system? Think about it.

    Tue, 08 Oct 2024 - 25min
  • 173 - ‘Kumunoy ng pangako’ (Aired September 24, 2024)

    Ipinangako ng mga taong gobyerno na nag-apruba sa Executive Order No. 62 noong Hunyo na ang kautusan na ito ay magpapababa sa presyo ng bigas at magpapatatag sa supply nito. Kaya sa harap ng maingay na protesta ng iba't-ibang grupo sa sektor ng agrikultura, itinuloy ang pagpapatupad sa EO 62,  na nagmamandatong ibaba ang taripa o buwis sa pag-aangkat ng bigas sa 15%, mula 35%. Dahil dito, umaasa ang ating mga mamamayan na bababa ang presyo ng bigas. Subalit sa kabila ng paulit-ulit na pangako ng mga taga Department of Agriculture, National Economic and Development Authority, at iba pang mga opisyal ng gobyerno, ang katotohanan ay sa halip na bumaba ang presyo ng bigas, ito ay nananatiling mataas. 


    At ang pangako ng gobyerno na pagbaba ng presyo ng bigas ay nananatiling pangako na nanganganak pa ng mga pangako na puno rin ng kasinungalingan. Think about it.


    #TedFailonandDJChacha #DitoTayoSaTotoo #SaTrue #TrueFM 

    Tue, 24 Sep 2024 - 16min
Mostrar más episodios